Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pitong makeshift warehouses na naglalaman ng mga iligal na sigarilyo sa Palawan.
Kasama nitong nagkasa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC),at Department of Health (DOH).
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nasamsam sa naturang raid ang nasa 227,351 pakete ng sigarilyo at naaresto rin ang walong indibidwal.
Tinatayang nasa higit ₱150-milyon din ang halaga ng tax liability mula sa mga sinalakay na warehouse.
Mahaharap naman sa patong-pato na kasong kriminal ang mga naarestong indibidwal sa ilalim ng Sections 6C, 15, 130, 131, 144, 145, 154, 171, 172, 254, 263A, at 265 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997.
Kasunod nito, tiniyak ni Commissioner Lumagui na nakatutok na ang kanilang regional at district offices sa Palawan na isa sa itinuturing na hotspot pagdating sa illicit cigarette trade.
“The BIR is continuous in its war against illicit vape and cigarette trade, all over the Philippines. Whether the illicit trade is in Palawan or in Metro Manila, we will pursue them. Our regional and district offices have their orders to deploy all available manpower in curbing illicit vape and cigarette trade,” Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa