Binati ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. National Amnesty Commission (NAC) sa kanilang pag-isyu ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Amnesty Proclamation ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang kalatas, sinabi ni Sec. Galvez na ang IRR ang magiging daan para sa mga dating rebelde na makumpleto ang kanilang normalisasyon tungo sa pagiging produktibong miyembro ng lipunan.
Ayon kay Sec. Galvez, ang paglalabas ng IRR ay isang malakas na mensahe na sinsero ang administrasyon ng Pangulo na tulungan ang mga dating rebelde at kanilang mga pamilya na baybayin ang landas ng kapayapaan.
Nakasaad sa IRR na inilabas kahapon na ang mga nais na mag-avail ng amnestiya ay kinakailangang magsumite ng aplikasyon sa Local Amnesty Board (LAB) sa kanilang lugar, na siya namang magpapasa ng mga kwalipikadong aplikasyon sa NAC.
Ang NAC naman ang gagawa ng pinal na pag-rebisa at rekomendasyon para sa pag-apruba ng Pangulo. | ulat ni Leo Sarne