Posibleng umiral sa mga buwan ng hulyo hanggang setyembre ang La Niña phenomenon sa bansa, ayon yan sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza S. Solis, batay sa El Niño-Southern Oscillation (ENSO) Alert System, nasa 69% na ang probability ng La Niña kaya nanatili ang La Niña watch sa ngayon.
Kaugnay nito, inaasahan din ng state weather bureau ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan simula sa huling linggo ng mayo hanggang hunyo 15.
Sa pulong naman ng presidential task force on El Niño response, sinabi ni Solis na bagamat humihina na ang El Niño Phenomenon ay posibleng umiral pa rin ang epekto nito kabilang ang mainit at maalinsangang panahon.
Una na ring pinakilos ni DND Sec. Teodoro Gibo na chairperson ng naturang task force ang lahat ng tanggapan ng gobyerno para simulan na ang paghahanda sa banta ng La Niña phenomenon.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, para sa komprehensibong disaster preparedness at rehabilitation plan sa El Niño at La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa