Inihahanda na ngayon ng Philippine Coast Guard ang dalawang karadagang barko na ide-deploy sa West Philippine Sea para alalayan ang naglalayag ngayong civilian-initiated mission na ‘Atin Ito’ coalition patungong Bajo de Masinloc.
Sa pulong balitaan ng PIA, sinabi ni PCG Spokesperson on West Philippines Sea Commodore Jay Tarriela na mayroon na ngayong 44 meter vessel na BRP Bagacay at Coast Guard aircraft ang nagmo-monitor sa lagay ng civilian convoy.
Nagdesisyon din aniya si PCG Commandant Ronnie Latorilla Gavan na magdagdag pa ng coast guard vessel para tutukan ang seguridad at kaligtasan ng mga sibilyang Pilipino na naglalayag sa Exclusive Economic Zone lalo’t may mga nagdaan nang tensyon at insidente ng water cannon sa mga nakalipas na resupply mission.
Kasunod nito, muli namang nilinaw ng PCG na boluntaryo at hindi inudyukan ng gobyerno ang misyon ng’ Atin Ito’ convoy.
Sa paningin aniya ng Task Force on West Philippine Sea, senyales lamang ito na lumalawak ang suporta ng taumbayan sa posisyon ng gobyerno sa West Philippine Sea. | ulat ni Merry Ann Bastasa