Naghain si Senate Special Committee on Admiralty Zones Chairperson Senator Francis Tolentino ng resolusyon para maimbestigahan ng Senate Committee on National Defense ang alegasyon ng hindi otorisadong wiretapping ng Chinese Embassy sa Manila laban sa AFP Western Mindanao Command.
Pinunto ng senador ang posibleng paglabag ng Chinese Embassy sa Anti Wiretapping Law ng Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, malaking paglabag ito na posibleng magtulak ng diplomatic tension at seryosong legal repercussion.
Binigyang diin ng senador, na base sa ating batas ay ilegal ang hindi otorisadong pag-wiretap ng usapan.
Tinutukoy dito ng mambabatas ang sinabi ng China na may hawak silang recording at transcript ng usapan sa telepono sa pagitan ng isang Chinese official at opisyal ng Wesmincom tungkol sa pagkakaroon ng ‘new model’ para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Una nang pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang claim ng China.
Nakasaad sa resolusyon, na kung mapatunayang totoo ang wiretapping ng China ay dapat silang humingi ng tawad sa Pilipinas, i-waive ang kanilang diplomatic immunity at harapin ang parusa sa naturang aksyon.
Dapat rin aniyang ikonsidera ng Pilipinas ang pag recall sa ambassador natin sa China at idekalara ang Chinese diplomat na persona non grata. | ulat ni Nimfa Asuncion