Umakyat na sa 2.8 million ang bilang ng mga nagparehistrong botante para sa halalan sa Mayo 2025.
“Matatandaan natin, noong 2022 elections tayo po ay nasa 68 million, inaasahan po natin na aabot na po tayo sa 71 million registered voters po sa May 12, 2025 elections po.” —Laudiangco
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco na mula sa bilang na ito nasa 1.2 million ang bagong botante na.
Umaasa ang opisyal na sa susunod na limang buwan, sisipa pa ang bilang ng mga magpaparehistro lalo na iyong mga overseas voter, upang maabot ang three million target na bagong botante para sa darating na halalan.
Base sa pinakahuling tala aniya, nasa 15 million ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
“May nalalabi pa po tayong limang buwan at umaasa po kami na sa bandang gitna po ng limang buwan na iyan ay sisipa po ang bilang ng mga bagong botante mula po dito sa Pilipinas, lalong-lalo na po sa ating mga kababayan abroad na ang taya po namin ay nasa labing-limang milyon na po sila diyan sa iba’t ibang parte ng bansa.” —Laundiangco | ulat ni Racquel Bayan