Inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang buong suporta at tulong sa Sofitel Philippine Plaza at sa mga empleyado nito kasunod ng nalalapit na pagsasara ng naturang hotel.
Sa pangunguna ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, nakipagpulong ang ahensya sa mga excutive ng Sofitel upang talakayin ang mga hakbang para matulungan ang mga apektadong empleyado.
Kabilang sa mga ibibigay na tulong ng DOT ay ang pagsasagawa ng job fair at iba pang programa para sa pagsasanay at paghahanap ng bagong trabaho ng mga empleyado.
Inihayag din ni Secretary Frasco ang kahalagahan ng sektor ng hotel at accomodation sa industriya ng turismo, lalo na ngayong panahon ng pagbangon mula sa pandemya.
Kaya naman, tiniyak ng DOT na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga apektadong empleyado na makabangon mula sa pagsasara ng hotel.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Sofitel sa DOT sa ibinigay na tulong at suporta.
Siniguro din nila na ibibigay nila ang nararapat na benepisyo at tulong sa kanilang mga empleyado sa paghahanap ng bagong trabaho.
Matatandaang inanunsyo ng pamunuan ng Sofitel ang napipinto nitong pagsasara sa July 1, 2024 dahil umano sa safety reasons.| ulat ni Diane Lear