Kaisa ang iba pang mambabatas sa panawagan ni Speaker Martin Romualdez sa BIR na tiyaking makakamit nito ang target revenue collection ngayong taon.
Sabi ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, tuwing tinatalakay na ang pambansang pondo, laging focal point ang performance ng BIR.
Ito aniya ay dahil sa pagnanais na hangga’t maaari ay hindi na umutang ang Pilipinas sa pagpopondo ng mga proyekto at programa.
Batid din naman aniya ng lahat na ang buwis ang life blood ng ating gobyerno.
Kasabay nito ay kinilala rin ng party-list solon ang pamumuno ni BIR Commissioner Romeo Lumague Jr. dahil sa nakalipas ay mataas naman ang nakokolekta nilang buwis.
“Whenever we have yung ating deliberations with the DBCC, palaging focal point po yung performance ng BIR. But with that said, yung panawagan po ng ating Speaker na mas effective po sana yung collection, I think it can’t be helped po if they would have that call. Kasi po yung budget po natin as much as possible we would like to make it locally sourced. We would like to avoid yung foreign loans, foreign sources…sinasabi po palagi natin na tax is the life blood of the state,” sabi ni Gutierrez.
Ito rin ang dahilan ani Tingog party-list Rep. Jude Acidre kung bakit pinagtibay ng Kongreso ang Ease of Paying Taxes Act kung saan pinadali ang proseso ng pagbabayad ng buwis.
Ani Acidre habang mas nagiging agresibo ang pamahalaan sa pagtiyak ng paglago ng ekonomiya ay mahalaga ang pagkamit sa revenue targets.
“…ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin to support BIR and its revenue collection initiatives para naman mas mapagaan etong pagbabayad natin ng buwis. Hindi man siguro sa amount na kanilang binabayaran kundi sa pamamaraan ng pagbayad ng buwis. Kasi habang, we are more aggressive with insuring economic growth towards the end of this administration, napaka importante po na we don’t miss our targets to make sure that the economic growth, our trajectory to the economic growth that we’ve want to realize is on track,” ani Acidre.| ulat ni Kathleen Forbes