Wala pang nangyayaring hulihan sa bahagi ng Pasig City dahil karamihan sa mga bumibiyaheng jeepney dito ay pawang mga consolidated.
Gayunman, nakaantabay pa rin ang mga tauhan ng Pasig City Police na ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero’t motorista.
Pero paglilinaw ng mga Pulis, bahagi lamang ito ng kanilang regular deployment sa pagpapatupad ng kaayusan at hindi para manghuli ng mga kolorum.
Sa kasalukuyan, nananatiling normal naman ang daloy ng trapiko sa mga rutang Pasig-Bagong Bayan, Pasig-Pateros, at Pasig-Quiapo.
Nagpapatuloy naman ngayon ang pagtitipon ng PISTON sa kanilang headquarters na kanina pang alas-6 ng umaga nakikiramdam sa gagawing panghuhuli ng mga awtoridad.
Ayon kay Rudy Molina ng Tipas-Pasig-Pateros Jeepney Operators and Driver Association, magsasama-sama ang kanilang alyansa para sa isasagawang pagpupulong.
Ilang miyembro ng unconsolidated jeepneys ang nagsabi na bahala na kung magkahulihan dahil ang importante sa ngayon ay ang kakainin ng kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala