Nagpaalala si Deputy Speaker David Suarez na pangunahing layunin ng amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) ay ang pagkakaroon ng food security at tugunan ang kagutuman.
Ito ang reaksyon ng mambabatas sa patuloy na pagiging malamig ng mga senador sa RTL amendment partikular ang pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA), na makapag-angkat ng bigas at makapagbenta sa mga pamilihan.
Ani Suarez, naiintindihan naman niya ang posisyon ng mga senador dahil na rin sa naging reputasyon ng ilang opisyal ng NFA na nasangkot sa katiwalian.
Ngunit ang RTL amendment ay hindi usapin ng korapsyon, bagkus ay kung paano masisiguro na walang Pilipinong nagugutom at kung paano maibibigay sa kanila ang pinakamababang presyo ng bilihin.
“I totally understand where the Senators are coming from given the recent reputation of certain NFA officials but let’s not forget this not an issue of corruption, but rather an issue of food security and price of rice and we should bring our attention to the main agenda, which is the price of rice, which is food security, so yun ang dapat po nating tutukan. Pagdating naman po sa corruption at mga alleged anomalies na nangyari sa NFA, I’m sure the proper agencies of the government can look into this, can persecute them to put them behind bars but huwag nating kakalimutan ang pinakamahalaga para sa lahat ay siguraduhin po natin na walang Pilipinong nagugugutom at naibibigay po natin sa kanila ang pinakamagandang presyo ng bilihin para sa bawat pamilya.” ani Suarez
Sinegunahan ito ni Deputy Majority Leader Jude Acidre.
Giit niya, mayroon namang oversight function ang Kongreso para bantayan ang performance ng NFA.
Aniya, sana ay makiisa ang Senado sa hangarin na mapababa ng presyo ng bigas lalo at mayroon na lamang tatlong session days ang Kongreso.
“Naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang iilang Senador na may agam-agam tungkol sa mga pangyayari ng kurapsiyon sa nakaraan sa NFA. Ngunit hindi lang naman ang mekanismo para masugpo ang kurapsiyon ay tanggalin ang isang ahensiya o ang function ng isang ahensiya. Marami naman, and I’m sure Congress will not hesitate also to exercise its oversight functions over the performance (of) NFA in this regard. Kaya nga ho sana ay suportahan din. I hope that the Senate will join us in ensuring in ensuring that, especially, we have three more session days to go before we go on break for sine die.” Sabi ni Acidre. | ulat ni Kathleen Forbes