Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na patuloy na susuportahan ng Senado ang mga isla sa West Philippine Sea at ang mga uniformed personnel na nakatalaga sa mga lugar na ito.
Sinabi ito ng Senate President sa pagbisita niya sa Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan kahapon kasama sina Majority Leader Joel Villanueva at Deputy Majority Leader JV Ejercito maging si Defense Secretary Gilberto Teodoro.
Ayon kay Zubiri, bilang nasa kanila ang power of the purse ay maglalaan sila ng dagdag na pondo para sa development ng mga isla sa WPS.
Maging ang AFP at Philippine Coast Guard ay paglalaanan rin aniya ng pondo para sa mga dagdag na kagamitan.
Gayunpaman, hindi na idinetalye ni Zubiri kung ano ang mga gamit na kagamitang ito at sinabing baka nakikinig ang mga barko ng Chinese militia at China Coast Guard na nakaposisyon ilang milya lang ang layo mula sa Pag-asa Island.
Sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, iginiit nitong hindi lang ang executive at legislative ang dapat na magtanggol sa WPS.
Isa aniya itong whole-of-nation approach at responsibilidad ng bawat isang Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion