Binigyang diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga sibilyan sa Pag-asa Island, Kalayaan.
Sa pagbisita ng Kalihim sa isla kasama ang ilang senador, tiniyak nitong ligtas ang mga kababayan nating naninirahan doon kahit pa ilang milya lamang ay nakapalibot ang mga barko ng Chinese militia at China Coast Guard.
Ayon kay Teodoro, ang resources sa isla ay para sa lahat ng mga Pilipino at hindi lang para sa militar.
Kailangan aniyang matirahan ng mga sibilyan ang isla para maging mas sustainable.
Malaking tulong rin aniya ang isla para sa mga maliliit na mangingisda dahil imbes na magpalaot sila galing sa mainland Palawan ay maaari na silang sa isla na lang manatili.
Ibinahagi rin ng Kalihim ang plano na magkarooon ng mga chilling facilities at iba pang cold storage facilities sa isla para sa food supply. | ulat ni Nimfa Asuncion