Malamig pa din ang liderato ng Senado sa divorce.
Sa panayam sa Pag-asa Island, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan pang pag-aralan ang naturang panukala.
Ito ay sa gitna ng pagkakapasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ng House Bill 9348 o ang panukalang magsasalegal ng divorce sa Pilipinas.
Si Senate Majority Leader Joel Villanueva naman, tahasang sinabi na hindi siya pabor sa Divorce Bill.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa sa Senado ang Senate Bill 2443 o ang bersyon ng Senado ng Divorce Bill.
Isinusulong ito nina Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros, Senador Raffy Tulfo, Senador Robin Padilla, Senadora Pia Cayetano at Senadora Imee Marcos.
Nangako naman si Hontiveros na patuloy na pagsisikapang maipasa ang Divorce Bill sa Senado.
Sa ngayon aniya ay hinihintay na lang ng kanyang kumite na mai-schedule para sa sponsorship ang Divorce Bill at umaasa pa ring masuportahan ng mga kapwa niya senador ang panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes