Tinatayang aabot sa anim na beses itinaas kagabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa pangunguna ng Airport Ground Operations and Safety Division (AGOSD) nito ang red lightning alert kasabay ng biglaang buhos ng ulan na nagsimula bandang hapon hanggang kagabi.
Unang itinaas ng AGOSD ang red lightning alert bandang 5:16 ng hapon na kalauna’y ibinaba rin sa yellow alert pagsapit ng 5:32 ng hapon pero agad itong ibinalik sa red alert matapos lamang ang ilang minuto.
Makailang ulit ding itinaas ang red lightning alert sa mga oras ng 6:37 PM, 7:19 PM, 7:56PM, at pinakahuli dakong 8:18 ng gabi.
Nagresulta naman ito sa pansamantalang pagkaantala ng mga flight at ground operations sa paliparan upang bigyang proteksyon ang mga pasahero nito gayundin ang mga staff at crew ng paliparan sa panahon ng masamang lagay ng panahon tulad nito.
Humihingi naman ng pang-unawa ang pamunuan ng MIAA sa mga pasaherong naantala dahil sa advisory.
Pagsapit naman ng 8:53 PM agad namang ibinaba ang yellow alert sa paliapran at balik agad ang operasyon ang flight at ground operations sa NAIA.
Inaasahan naman na mapapadalas na rin ang pag-uulan sa bansa dahil ayon sa weather bureau ay transitioning na rin ang bansa mula sa tag-init patungo sa panahon ng tag-ulan. | ulat ni EJ Lazaro