Ikinatuwa ng Department of Agriculture (DA) ang pagbalik sa pangangasiwa at kontrol nito ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., saklaw ng DA na maproteksyunan ang mga magsasaka, livestock at poultry raisers, aquaculturists, at iba pa mula sa pagkalugi na maaaring dulot ng mga sakuna, peste at sakit.
Aniya, ang safety net na ibinigay ng PCIC ay sana ay mahikayat ang mas maraming Pilipino na makisali sa agrikultura at lumikha ng bagong henerasyon ng mga magsasaka.
Nauna nang iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paglipat ng PCIC sa Department of Finance (DOF) sa rekomendasyon ng Governance Commission para sa Government-Owned and Control Corporations. (GOCCs).
Noong Lunes, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order #60 na nagbabalik na sa PCIC sa ilalim ng DA.
Nilikha ang PCIC noong 1995 bilang isang government-owned and control corporation na naatasang magbigay ng proteksyon sa seguro ng mga magsasaka.
Ang GOCC ay orihinal na naka-attach sa Department of Agriculture. | ulat ni Rey Ferrer