Idinetine ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang foreign vessel sa baybaying sakop ng San Felipe, Zambales dahil sa iba’t ibang kakulangan nito matapos ang inspeksyong ginawa ng mga awtoridad sa nasabing barko.
Isinagawa ng PCG ang inspeksyon matapos makatanggap ng ulat na ang barko ay nagtataas ng watawat ng Pilipinas at nagpatay ng automatic identification system (AIS). Ilang beses ding niradyo ng PCG ang barko pero walang sumasagot na crew mula rito.
Pitong Chinese crew members kabilang ang ship master ang nadatnan ng PCG kung saan napag-alaman na galing ito sa Hong Kong noong May 11 at dumaong sa Zambales nito lamang May 15.
Hindi rin nito naipakita ang mga orihinal o naka-print na bersyon ng mahahalagang dokumento gaya ng crew list, mga pasaporte, at seaman’s books.
Ayon din sa kapitan ng barko, pinili nilang dumaong sa Zambales dahil wala itong mataas na anchorage fee tulad sa Maynila pero walang port facility na matatagpuan sa Zambales.
Nagsagawa din ng K9 unit inspection sa nasabing barko para sa pagtukoy kung may kargamento itong droga pero negatibo naman ito.
Nananatili pa rin namang nakadetine ang barko dahil pa rin sa mga natukoy na mga kakulangan nito. | ulat ni EJ Lazaro