Binisita ng tatlong sasakyang pandagat ng Indian Navy na bahagi ng Eastern Fleet nito ang Pilipinas ngayong araw bilang bahagi ng pagsasagawa ng isang goodwill visit na magtatagal hanggang sa ika-22 ng Mayo, 2024.
Sa talumpati ni Rear Admiral Rajesh Dhankar, ang Flag Officer Commanding Eastern Fleet (FOCEP), ipinahayag nito ang taos-pusong pasasalamat sa Philippine Navy at sa Embahada ng India sa mainit na pagtanggap sa pagdating sa Maynila ng mga Indian Naval Ship.
Kabilang sa mga mga bumisitang naval ships mula sa Eastern Fleet ay ang INS Delhi na isang guided missile destroyer; ang INS Shakti na isang fleet tanker; at ang INS Kiltan na isang anti-submarine warfare (AWS) corvette.
Mga barko na halos sabay-sabay dumaong kaninang umaga sa Port of Manila na hudyat ng pagsisimula ng mga serye ng iba’t ibang aktibidad sa mga susunod na araw sa bansa tulad ng Subject Matter Expert Exchange (SMEE) sessions, sports fixtures, cross-deck visits, cultural visits, at mga collaborative community outreach program na nagpapakita ng kapwa pangako ng dalawang bansa sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon ng Indo-Pasipiko.
Binigyang-diin din ng Admiral ang matibay na pagkakaibigan at kolaborasyon sa pagitan ng dalawang bansa, at ipinahayag ang kasabikan nito para sa mga darating na pakikipag-ugnayan at ang pagkakataong makipagbahagian ng mga best practices sa Pilipinas.
Bago tumungo ng bansa ngayong araw, ilang bansa na rin ang binisita ng Eastern Fleet ng Indian Navy ngayong buwan tulad ng Malaysia, Vietnam at Singapore. | ulat ni EJ Lazaro