Walang dapat ikabahala ang mga mangingisda na magtutungo sa West Philippine Sea sa kabila ng banta ng China na arestuhin ang mga ito sakaling pumasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Ayon kay PCG Commodore Spokesman for the West Philippine Sea Jay Tarriela, walang basehan ang pag-aresto ng mga Chinese sa sinumang mangingisda na magtutungo doon.
Ang banta daw na ito ng China ay paraan lamang nila para mawalan ng gana ang mga claimant na bansa na magtungo sa West Philippine Sea.
Ayon naman kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, inutusan na ang Philippine Coast Guard na bantayan at bigyan ng seguridad ang mga mangingisdang Pinoy habang sila ay nasa West Philippine Sea.
Kanyang binigyan diin na walang karapatan ang mga Chinese na mang aresto sa sinumang mangingisda na magtutungo sa nasabing karagatan.
Kasabay nito, inatasan ni Sec. Eduardo Ano ang PCG na mag dagdag ng deployment sa West Philippine Sea para protektahan ang mga Filipino fishermen. | ulat ni Micheal Rogas