Patuloy na pinagsisikapan ng Department of Social Welfare and Development na matugunan ang laban sa kahirapan sa bansa.
Ito ang inihayag ni DSWD Sec. Rex Gatchalian kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni Presidential Assistant on Poverty Alleviation Larry Gadon na ‘haka-haka’ lamang ang kahirapan sa bansa.
Sa pulong balitaan sa DSWD, sinabi ng kalihim na totoo ang kahirapan kaya puspusan ding kumikilos ang kagawaran para humubog ng mga programa para maibsan ang nararanasang hirap at gutom ng mga pilipino.
Kabilang sa mga programang tinataguyod nito ang Walang Gutom: Food stamp Program, Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4Ps at pati na ang inilunsad kamakailan na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na tulong naman para sa minimum wage earners.
Dagdag pa ng kalihim, hindi tumitigil ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan para mawakasan ang kahirapan at maabot rin ang marching order ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na maibaba sa single digit ang kasalukuyang poverty rate sa bansa
Handa naman si Sec. Gatchalian na makipagpulong kay PAPA Gadon para mabigyang linaw ito sa kasalukuyang estado ng kahirapan at ang mga ginagawang hakbang dito ng gobyerno. | ulat ni Merry Ann Bastasa