Umaasa si Senador Jinggoy Estrada na ito na ang magiging huling pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa sinasabing leak sa mga data ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Giit ni Estrada, bagamat ikaapat na pagdinig na ito ng komite tungkol sa isyu ay wala pa ring nakapagpapatunay na totoo nga ang PDEA documents na di umano’y nag-leak.
Binigyang diin ng senador, na hindi pa rin nakapagpipresinta si PDEA agent Jonathan Morales ng anumang sapat na ebidensya para masuportahan ang kanyang mga alegasyon.
Aniya, ang mga alegasyon ay hindi maituturing na ebidensya.
Pinunto rin ni Estrada, na wala ni isang tumestigo sa nakalipas na pagdinig sa mga testimonya ni Morales.
Sa halip ay pinasinungalingan na ng mga opisyal ng PDEA ang mga kwento ni Morales. | ulat ni Nimfa Asuncion