Para kay Special Committee on the West Philippine Sea Chair Neptali Gonzales, walang valid na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China na maaaring ibatay sa umano’y “gentleman’s agreement.”
Ayon kay Gonzales, sapat na ang mga pahayag ng iba’t ibang ahensya na dumalo sa kanilang pagdinig para masabi na wala talagang kasunduan.
“Ako if you’re going to ask me, there are sufficient ano na mga… nasabi na ng mga different agencies of the government for us to conclude na talagang…, there’s no agreement… And even if there was, then nire-rescind na niya,” ani Gonzales.
Tinukoy nito ang paliwanag ni Atty. Fretti Ganchoon, senior state counsel mula sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi niya, bagamat umiiral ang “gentleman’s agreement” o “oral treaty” sa international law, kung ang napagkasunduan ay magreresulta sa pagbabago ng national policy ay wala itong magiging saysay dahil kailangan idaan ito sa tratado na sasang-ayunan ng Senado.
“Hindi ko alam if there was such an agreement but even if there was, then ang summation ko, it involves surrender… of our sovereign right na hindi pe-pwedeng “gentlemen’s agreement” lang. At best it must be covered by a treaty. And when it is covered by a treaty, under our Constitution, kailangan ipadala mo sa Senate for its ratification… I still stand by my word before, na there is no agreement to speak of that is constitutionally valid. It changes our national policy,” dagdag ni Gonzales.
Ipagpapatuloy muli ng komite ngayong araw ang pagtalakay sa naturang usapin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes