Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lokal na pamahalaan upang mabantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at basic services sa harap ng inaasahang pagtama ng La Niña sa bansa.
“Ngayon papasok ang La Niña, iyong price monitoring ng DTI ginagawa natin iyan very diligently, nationwide. Papaigtingin natin ang efforts natin sa price monitoring, ang mga hoarding at saka any other acts of illegal price manipulation, huhulihin iyan ng ating DTI price monitors and sasampahan sila ng karampatang kaso.” —Nograles
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles na nationwide ang ginagawa nilang pagtutok sa presyo ng mga bilihin sa bansa.
Pagsisiguro ng opisyal, ang mga sangkot sa hoarding at iba pang illegal price manipulation ay huhulihin ng pamahalaan at sasampahan ng kaso.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga lokal na pamahalaan, upang buhayin na ang mga local price coordinating council na bababa at tututok sa mga presyo on ground.
“Mayroon tayong mga monitors na katulong po natin na magmo-monitor din po sa LGU level ng presyuhan ng mga bilihin.” —Nograles.
Habang ang ilang manufacturers, una nang nag-pahayag ng voluntary price freeze sa kanilang mga produkto at serbisyo.
“Para makontrol ang pagtaas ng presyo ng bilihin at saka ma-ensure na ang supply natin ay stable, mayroon tayong efforts para mapanatili ang presyo ng mga basic necessities and prime commodities. Ilang pong mga manufacturers ang nagpahiwatig po sa DTI ng tinaguriang voluntary price freeze over basic necessities and prime commodities.” —Nograles. | ulat ni Racquel Bayan