Dating Defense Sec. Gazmin, pinadadalo na rin sa pagsisiyasat sa umano’y ‘secret agreement’ ng Pilipinas at China

Facebook
Twitter
LinkedIn

Iimbitahan na rin ng Kamara si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin sa ginagawang imbestigasyon ukol sa sinasabing ‘secret agreement’ sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite kung saan humarap na sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea, dating DND Secretary Delfin Lorenzana, at dating National Security Adviser Hermogenes Esperon—kapwa itinanggi ng mga dating opisyal ng Duterte Administration na may naging ‘gentleman’s agreement’ si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.

Sa paglalahad ni dating ES Medialdea sinabi nito, na ang sinasabing status quo sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal ay naganap noong 2013.

Batay aniya sa impormasyong kaniyang nakuha nang maupo sa pwesto noong 2016, si dating Defense Sec. Voltaire Gazmin ang nangako kay dating Chinese Ambassador Ma Keqing, na tanging pagkain at tubig lang ang dadalhin ng gobyerno sa BRP Sierra Madre.

At ito na aniya ang sinundang polisiya ng Duterte administration.

Sabi naman ni Lorenzana, nagsimula ang aggression ng China sa Pilipinas noong 2021 nang magdala ng mga materyales pangkumpuni sa living quarters ng mga nakadestinong sundalo sa Sierra Madre.

Nang kausapin aniya niya ang kasalukuyang embahador ng China na si Ambassador Huang Xilian, iginiit nito na mayroon aniyang kasunduan ang Pilipinas at China na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin.

Gayunman, sabi ni Lorenzana na walang ganitong kasunduan na inihabilin sa kaniya si Gazmin.

Lumabas sa pagdinig na mula 2016 hanggang 2019 ay wala ngang nangyaring pag-kumpuni sa BRP Sierra Madre.

Kaya naman para malinawan ukol sa sinasabi ni Medialdea na kasunduan ay pinadadalo na si Gazmin sa pagdinig. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us