Aminado si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ikinalungkot niya ang napaulat na moonlighting ng ilang miyembro ng kapulisan sa mga POGO officials bilang mga body guard.
Matatandaan na agad sinibak sa pwesto ang dalawang miyembro ng Special Action Force (SAF) matapos matuklasang nagbibigay sila ng VIP security sa isang Chinese national na may kaugnayan sa POGO.
“Grabe na ang nangyayari sa PNP, ibang nakakadismayang kultura na talaga ang nangingibabaw sa isip ng ilang tiwali nating opisyal. Kung ang Battalion Commander sa PNP SAF ay kayang magpa-deploy ng bodyguards sa POGO, hindi malayong mangyari na pwede rin silang maging bodyguard ng mga Chinese drug lords,” sabi ni Barbers
Sabi pa ng mambabatas na maituturing na malaking kasalanan ng Philippine National Police (PNP) na payagan ang ganitong klaseng kalakaran na mismong kalaban pa ng bayan ang kanilang pinoprotektahan.
Lalo na aniya at ang mga POGO operators na sangkot sa krimen.
Kaya naman para kay Barbers dapat lang na masampahan ng kaso ang mga pulis na sangkot dito.
“Nakakalungkot isipin na iyong ating mga SAF, iyong mga miyembro ng ating Special Action Force of PNP ay ginagawang bodyguard nitong mga intsik na ito. I’m referring to the mainland Chinese, eto iyong mga POGO operators na pumupunta rito. Isang malaking kasalanan para sa liderato ng SAF na protektahan mo iyong mga kalaban ng bayan…I guess, napakalaking kasalanan para sa Philippine National Police na payagan yung ganyang klaseng moonlighting na ginagawa ng kanilang kawani sa hanay ng Philippine National Police, so dapat kasuhan ang mga yan,” giit ni Barbers.| ulat ni Kathleen Forbes