Welcome para sa mga miyembro ng Kamara ang plano ng National Security Council na maghain ng panibagong kaso laban sa China dahil sa iligal nitong aktibidad sa West Philippine Sea na nagresulta sa marine environment depredation ng Panatag Shoal.
Ayon kay Manila Rep. Ernesto Dionisio, malaking bagay ang ginagawang pangangalap ng ebidensya ng NSC upang sampahan ng reklamo ang China at ilaban ang ating soberanya sa lugar.
Aniya, makikita na lahat ng hakbang na maaaring gawin ay ginagawa ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Any evidence that will help our case against the bullying country ay makatutulong po sa ating paglalaban sa ating soberenya and talagang nakakatuwa iyong ginawang move ng ating Pangulo katulad ng binanggit ko kanina iyong presence natin sa WPS is a stronger message that sends to China and to the entire world that we will not cower to bullying. So ako tuwang-tuwa lang ako kay Presidente at lahat ng moves ng mga iba-ibang ahensya ng ating pamahalaan is synchronizing all its efforts para malabanan natin ang bullying galing sa ibang bansa,” sabi ni Dionisio.
Suportado rin ni Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon ang paghahain ng kaso lalo at sinubukan na ng Pilipinas na idaan ito sa diplomatikong pamamaraan.
Isa aniya itong paraan upang mas maigiit pa ng ating bansa ang karapatan sa pinag-aagawan teritoryo.
“I guess we are already tired in the diplomatic approach asking China to stop this and stop that. So, I guess this is a positive development on the part of the administration to collect pieces of evidence so that we can file a case against China. Ito po ay pagpapahayag na hindi po tayo papayag sa anuman pong pambu-bully na ginagawa po ng isang mighty country katulad naman po ng Tsina,” sabi ni Bongalon.| ulat ni Kathleen Forbes