Ikinagulat ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez na walang ginawang aksyon ang administrasyong Duterte para itama ang sinasabing ‘status quo’ sa Panatag Shoal.
Sa naging pagdinig ng Kamara ukol sa umano’y gentleman’s agreement na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China, sinabi ng dating miyembro ng gabinete ng nakaraang administrasyon na walang anumang kasunduan sa pagitan ng dating presidente at presidente ng China.
Ani dating Executive Sec. Salvador Medialdea ay may kasunduan umano sa pagitan ni dating Defense Sec. Voltaire Gazmin noong 2013 kung saan nangako umano ito na hindi kukumpunihin ang BRP Sierra Madre.
“I think we have determined already from the testimony, as confirmed also by, corroborated by the narration by former Secretary Lorenzana na wala pong gentleman’s agreement, but there was an agreement in public of, there was a policy not to repair the BRP Sierra Madres. That is quite a revelation for me, Mr. Chair,” sabi ni Gutierrez.
Ngunit nang tanungin ni Gutierrez kung ano ang ginawa nila matapos malaman na mayroong ganitong kasunduan, inamin ni Medialdea na hinayaan na lang nila ito.
Natanong rin si Special Committee on the West Philippine Sea Chair Neptali Gonzales II kung bakit hindi iginiit ng nakaraang administrasyon ang naipanalong Arbitral Ruling.
Kung mayroon man aniyang kasunduan noong 2013, ay dapat ipinawalang bisa na ito nang manalo sa Permanent Court of Arbitration noong 2016 ang Pilipinas.
“Kung in-allow ng dating Pangulo na yung magpatuloy yung status quo, pero by 2021, na ni-recognize na ng ating Pangulo dahil mayroon na siyang kopya [ng arbitral ruling] then at the very least by that time dapat revoke na rin yung pinag-usapan na ‘yan, assuming Sec. Vol[taire] Gazmin and the Chinese embassy official authority from both of their countries to enter to such an agreement,” giit ni Gonzales. | ulat ni Kathleen Jean Forbes