Kasunod ng inaasahang La Niña, marami ang nangangamba na baka maulit ang nangyari noong Bagyong Ondoy noong 2009 na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes na nagtutulungan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Japan International Cooperation Agency (JICA) upang matugunan ang problema sa baha sa Metro Manila.
Ayon kay Artes, tatlo sa 11 paryoridad na proyektong ito ang tinutukan ng pamahalaan. Kabilang na rito ang Pasig-Marikina Rehabilitation Project, Marikina Dam Project, at ang Parañaque Spillway Project.
Nauna rito ay nasa 80 mga lugar na ang natukoy ng MMDA na mga flood-prone area.
Ipinapasumite rin ng MMDA sa mga LGU ang mga inventory ng mga lugar na dati ay hindi naman binabaha pero ngayon ay binabaha na para ito ay mapag-aralan at mahanapan ng solusyon.
Isa sa mga nakikitang dahilan umano ng mga lokal na pamahalaan na dahilan ng paulit-ulit na pagbaha ay mga basura.| ulat ni Diane Lear