Positibo ang Task Force El Niño na masisimulan na ng pamahalaan sa lalong madaling panahon ang rehabilitasyon sa mga napinsalang lupang sakahan, dahil sa epekto ng El Niño sa Pilipinas.
Ito ayon kay Task Force El Niño Joey Villarama ay dahil nasa tail end na ng matinding tag-tuyot ang Pilipinas, at nakakaranas na ng mga pag-ulan sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na nasa 163,000 na hektarya ng lupain ang napinsala dahil sa tagtuyot.
“Nasa 374 cities and municipalities na po iyong apektado ng El Niño at nagdeklara po ng state of calamity. Tapos kabilang sa number na iyan, nabanggit ko iyong buong BARMM nagdeklara ng state of calamity at mayroon pong labing-isang buong probinsiya ang nagdeklara po ng state of calamity.” —Asec Villarama
Inaasahan na rin nila na maiibsan na ang matinding init sa bansa, at mas kakaunti na lamang ang mga lugar na maidadagdag sa listahan ng mga siyudad at munisipalidad na nagdeklara ng State of Calamity dahil sa El Niño, lalo’t papalapit na ang buwan ng Hunyo.
“Hopefully dahil nga nag-uulan na nitong mga nakaraang linggo, maiibsan hindi lamang iyong tindi ng init ng panahon na nararanasan natin kung hindi mauumpisahan na po natin ang rehabilitation ng ating agricultural lands at saka makakapaghanda na rin po tayo sa paparating naman na rainy season at La Niña.” —Asec Villarama. | ulat ni Racquel Bayan