Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtutulungan ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan at mga LGU, na sama-samang paghandaan ang pagpasok ng La Niña sa bansa.
Sa distribusyon ng financial assistance sa Maguindanao del Sur, sinabi ng Pangulo na inaasahan na ang paghupa ng matinding init sa bansa, kasabay ng pagpasok ng tag-ulan.
“Ngayon, papalapit na tayo sa buwan ng Hunyo, inaasahan natin na huhupa na ang matinding init, ngunit mapapalitan naman ito ng matinding pag-ulan. Kaya naman, inaatasan ko ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan, lalong-lalo na sa mga LGU, bilang [paghahanda] para sa darating naman na La Niña,” — Pangulong Marcos.
Dahil dito, pinatututukan na ng Pangulo ang mga proyekto at programa na tutugon sa mga mararanasang pagbaha sa mga komunidad.
“Ito ay upang maibsan ang epekto ng matinding pagbaha na alam natin taon-taon na nararanasan ng mga komunidad natin dito sa Maguindanao del Sur,” — Pangulong Marcos.
Inatasan rin ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tutukan ang pagsasakatuparan ng Flood Risk Management Project sa Allah River Basin.
Binanggit din ng Pangulo ang ilan sa mga proyekto ng pamahalaan na nakalatag na tulad ng rehabilitasyon ng Provincial Access Road ng Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer Ampatuan, at Rajah Buayan.
Kaugnay nito, kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang kontribusyon ng LGUs sa pagsasakatuparan ng progreso sa kanilang lugar. | ulat ni Racquel Bayan