Wala pang hawak na kongkretong datos ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa pinsalang idinulot ng bagyong Aghon sa bansa.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, ito ay dahil sa isinasailalim pa ang mga datos sa masusing beripikasyon at kailangan nilang maging maingat dito.
Bagaman may mga nakararating na ulat sa kanila hinggil sa bilang ng mga nasawi, hindi pa nila ito maituturing na opisyal na bilang hangga’t wala silang dokumentong hawak.
Sa pulong-balitaan kahapon, sinabi ni Posadas na may limang napaulat na nasawi sa kasagsagan ng bagyo kung saan, apat ay mula sa CALABARZON kabilang na ang isang sanggol, at isa naman mula sa Northern Mindanao.
Pero giit ni Posadas, hindi pa nila ito maituturing na opisyal na bilang hangga’t hindi napapatunayang dala ng bagyo ang naging sanhi ng pagkasawi ng mga ito.
Batay sa opisyal na datos na hawak ng NDRRMC, pito ang naitalang sugatan dahil sa bagyo, walang nasawi, at walang nawawala. | ulat ni Jaymark Dagala