Inihahanda na ng Commission on Elections (COMELEC) ang magiging komento nito sa Supreme Court kaugnay ng petisyon ni dating Caloocan City Representative Edgar Erice na ipawalang bisa ang kontrata sa Miru System Company Limited para sa mga makina na gagamitin sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, susunod sila sa utos ng Korte Suprema na sumagot sa loob ng 10 araw.
Sinabi niya na walang itinatago ang Komisyon sa naging kontrata at sumunod sila sa lahat ng proseso ng Procurement Law.
Ang pahayag ay ginawa ng COMELEC chairperson matapos silang utusan ng Higher Court na magsumite ng komento sa petisyon ng dating mambabatas.
Nais ni Erice na ipawalang bisa ng Supreme Court ang pinasok na kontrata ng COMELEC sa Joint Venture company, ang paggamit ng teknolohiya nito, dahil sa ilang iregularidad.
Samantala, tiniyak ni Garcia na hindi maapektuhan ng kasalukuyang petisyon sa SC ang ginagawa nilang paghahanda para sa nalalapit na halalan. | ulat ni Mike Rogas