Bagaman dati nang pahirapan ang biyahe ng ilang mga pasahero sa bahagi ng Ortigas Avenue hanggang Ortigas Avenue Extension sa Pasig City, lalo pa itong naramdaman ngayong araw.
Ito’y bunsod na rin ng biglaang pagbuhos ng malakas na ulan mula pa kaninang madaling araw bunsod ng inilabas na thunderstorm alert ng PAGASA.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, namataan ang ilang mga pasahero sa Ortigas Avenue hanggang Ortigas Avenue Extension ang nag-aabang ng masasakyan na karamihan ay papasok sa trabaho.
Dahil sa limitado ang mga dumaraang jeepney, unahan sa pagsakay ang mga pasahero na nagreresulta sa pagiging punuan ng mga ito.
May ilang mga pasahero pa na hindi alintana ang pagbuhos ng ulan at pinipilit pa ring sumabit sa estribo, makapasok lamang sa trabaho.
Pero may ilan na dahil hindi makasakay ay pinili na lamang maglakad partikular na sa bahagi ng Rosario bitbit ang kanilang mga payong at iba pang panangga sa ulan. | ulat ni Jaymark Dagala