Buo ang suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa itinataguyod na Bayanihan sa Bukas na may Pag-asa para sa Turismo (BBMT) project ng Department of Tourism na layong magbigay tulong sa mga tourism worker na nabiktima ng iba’t ibang kalamidad.
Kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isinagawang pamamahagi ng cash aid ng Department of Tourism ( DOT) sa Davao Region kung saan nasa 1,283 tourism workers ang tumanggap ng Emergency Cash Transfers (ECT).
Ayon kay Sec. Gatchalian, mahalaga ang kolaborasyong ito ng DSWD at DOT upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagbangon ng mga manggagawa sa rehiyon.
Sa ilalim ng programang ito, nasa ₱10.2-million ang inilaan ng DSWD para sa ECT sa mga apektadong tourism workers.
Bukod sa cash grants ng DSWD, magbibigay rin ang DOT ng alternative skills training para sa tourism industry workers.
“This project is a testament to our commitment to social welfare and development, providing both cash assistance and capacity building to the sectors that we serve,” ani Secretary Gatchalian. | ulat ni Merry Ann Bastasa