Para kay Albay Rep. Edcel Lagman, nasa kamay pa rin ng publiko ang kahihinatnan ng panukalang economic Charter change.
Tugon ito ng mambabatas sa tanong kung magkakaroon ba ng pagbabago sa kapalaran ng Cha-cha dahil sa pagbabago ng liderato ng Senado.
Aniya, magkasundo man ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay pagbobotohan pa rin ang economic Cha-cha sa isang plebesito.
“Well, it takes two to tango, pero depende ‘yan sa taong bayan because dadaan pa sa plebesito ‘yan. Hindi pa naman pinal yung desisyon ng Kongreso, meron pang plebesito,” ani Lagman.
Sa panig naman ng mambabatas, nakadepende pa rin sa lalamanin ng pinal na bersyon ng economic amendment kung susuportahan niya ito o hindi.
Sabi kasi ni Lagman, may kaunti siyang pasubali pagdating sa pagbubukas ng edukasyon sa foreign ownership, habang hindi na aniya kailangan buksan ang advertising sector.
“Depende rin kung anong mga economic provisions na nanduon. Eto ba sa edukasyon, sa public utilities, sa advertising, depende ho. Iyong tatlong iyon, depende pero sa edukasyon palagay ko meron tayong reservation doon. Sa advertisement ay hindi naman kailangan na. The frontiers are wide open sa advertising,” paliwanag ni Lagman.
Pagdating naman aniya sa public utilities, kailangan hintayin ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pagkuwestyon sa inamyendahang Public Service Act.
Kung magdesisyon aniya ang SC na kailangan muna ang amyenda ng Konstitusyon para ito ay tuluyang maipatupad, ay kailangan talaga ang economic Charter change.
“Ang public utilities lang ang pag-uusapan natin at meron pang, meron nang batas ngayon na iyong requirement ay iniba na pagkat, iyong public service and public utility ay iniba iyong definition, nakasalang iyan sa Korte Suprema. Hinihintay natin iyong desisyon diyan tungkol sa kung tama ba o hindi at kung ang sabi ni Korte Suprema in the constitution iyong batas then we will have to go the amendment of the constitution tungkol sa public utilities,”sabi pa ni Lagman. | ulat ni Kathleen Jean Forbes