Iminumungkahi ni Senate President Chiz Escudero na magkaroon ng iisang tagapagsalita ang pamahalaan tungkol sa mga isyung may kaugnayan sa West Philippine Sea (WPS).
Ipinunto ng Senate leader na sa ngayon kasi ay masyadong maraming opisyal ang nagsasalita at nagbibigay ng reaksyon tungkol sa sitwasyon sa WPS gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Kaya naman umaasa si Escudero na magtatalaga na lang ng iisang tagapagsalita kaugnay ng lahat ng isyu sa WPS pagdating sa posisyon, paniniwala at sa mga gagawing hakbang ng pamahalaan para maiwasan ang kalituhan, kaguluhan at pag-init lalo ng isyu.
Para sa mambabatas, lahat ng hindi pagkakaunawaan ay maaaring maresolba sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo.
Kaugnay nito, hinikayat ng senador ang pamahalaan at ang China na mag-usap kung paanong mapapahupa ang sitwasyon sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Asuncion