Naglabas ng nagkakaisang statement of support ang mahigit sa sampung Indian Temples sa Pilipinas para kay Manjinder Kumar o James Kumar, sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan niya kaugnay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leaks na kasalukuyang iniimbestigahan sa senado.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta ang Guru Nanak Indian Sikh Temple mula sa Dagupan, Radha Krishna Temple Inc., Gurdwara Gur Shabad Parkash mula sa Urdaneta, Pangasinan, Khalsa Diwan Inc. sa Paco, Manila, at iba pang mga organisasyon.
Binigyang-diin ng mga grupo ang mga kontribusyon ni Kumar sa kanilang komunidad. Ipinaliwanag nila na si Kumar ay isang mabuting tao na mayroong malasakit sa kapwa at handang maglaan ng oras at pera para sa kapakanan ng iba. Sila ay humihingi ng isang maayos at patas na imbestigasyon sa mga umanoy maling paratang na ipinukol kay Kumar nitong mga nakaraang senate hearings at sa social media.
Kilala daw nila si Mr. Kumar dahil sa kanyang aktibong partisipasyon sa mga gawaing pangsimbahan. Bukod dito, nagbibigay din siya ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at nagbibigay ng scholarships sa mga nangangailangan.
Aktibo rin si Mr. Kumar sa pagtulong sa mga frontliners nung panahon ng Covid.
Ayon sa kanila, isang malaking kasinungalingan ang paratang ni Morales na sinubukan siyang patahimikin ni Mr. Kumar upang hindi tumestigo sa Senado. | ulat ni Michael Rogas