Ipinagdiriwang ngayon ang Abaca Festival sa tinaguriang ‘Abaca Capital of the Philippines’, ang lalawigan ng Catanduanes.
Ito na ang ika-walong taon na ipinagdiriwang ang Abaca Festival sa lalawigan na layuning maiangat ang kamalayan ng mga Catandunganon sa kahalagahan ng abaca at ang kontribusyon nito sa lokal na ekonomiya ng probinsya maging sa buong bansa.
Ilan sa mga tampok na mga aktibidad sa isang linggong selebrasyon ang Agri, Trade and Tourism Fair Kung saan tampok ang iba’t ibang produktong gawa sa abaca. Kasabay din nito ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ kung saan mabibili naman ang mgaa murang produktong agrikultural.
May art exhibit din kung saan tampok ang mga obra ng Catandunganon artists na ginamit ang abaca paper bilang kanilang canvass.
Nagpagalingan naman sa pag ‘hag-ot’ ang mga abacalero sa lalawigan sa ‘Patiribayan’ contest na isinagawa sa kapitolyo ngayong araw.
Binigyang pagkilala rin ng lokal na pamahalaan ang ‘Most Inspiring Abaca Farmer Families’ mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Samantala, mahigit 1,000 trabaho rin ang alok sa Abaca Festival Job Fair na isasagawa bukas sa kapitolyo.
Magpapatuloy pa ang iba’t ibang aktibidad hanggang Biyernes na pawang ang layunin ay mas mapaunlad pa ang idustriya ng abaca sa lalawigan.
Sa ngayon, ang Catanduanes pa rin ang number 1 abaca-producing province sa buong bansa. | ulat ni Juriz Dela Rosa | RP1 Virac