Tahasang itinanggi ng kampo ni House Speaker Martin Romualdez na may kinalaman sila sa hindi natuloy na Maisug peace rally sa Tacloban City, nitong May 25.
Sa isang panayam kay House Deputy Majority leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre, sinabi nito na lokal na pamahalaan ang nakatutok sa isyu.
“wala naman kaming kinalaman, si Speaker wala namang kinalaman, ako wala namang [kinalaman], kami ang Tingog Party-list, wala namang kinalaman. Nasa purview po ng local government unit ang pag-i-issue ng mga permit. Sila rin ang may hawak ng ating mga freedom park, in fact, ang provincial government ng Leyte ang siyang nagma-manage ng RTR Plaza na siyang sa pagkakaalam ko, iyan sana ang tina-target nilang venue.” sabi ni Acidre
Paliwanag pa ni Acidre, hindi naman nakapag-apply ng permit ang grupo.
Ang tanging ginawa lang ay nagpasabi na sila ay gagamit ng freedom park.
Gayunman, may nauna nang nakapag-apply ng permit noong pang May 10 para sa isang roadshow.
Pinasinungalingan rin nito na inilagay ang isang heavy equipment para harangin ang mga makikibahagi.
“hindi naman sila nag-apply talaga ng permit eh. Ang ginawa nilang notification sa provincial government ay nagpapasabi lang na gagamit sila ng freedom park, unfortunately before, sa pag-submit nila ng letter of information, ng notification sa provincial government ay mayroon nang nakapag-submit, may nakapag-book na po as early as May 10 sa pagkakaalam ko, mayroon nang nag-apply doon sa roadshow ng mga heavy equipment. Kaya po nakaparada po iyon, hindi po pangharang, unfair po ang mga sinasabi sa social media na nilagay po ‘yun doon, but ang totoo ay ito’y bahagi ng isang roadshow ng mga heavy equipment.” sabi pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes