Nagkasa ng sariling survey si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at pinulsuhan ang mga kapwa senador tungkol sa kanilang posisyon sa divorce bill.
Sa ngayon, ayon kay Estrada ay nasa sampung mga senador pa lang ang tumutugon sa kanya.
Base sa survey ni Estrada, kabilang sa mga tutol ngayon sa divorce bill ay siya, si Senate President Chiz Escudero, Majority Leader Francis Tolentino, Senador Joel Villanueva at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Samantalang pabor naman sina Senador Robin Padilla, Senadora Grace Poe, Senador Risa Hontiveros, Senadora Imee Marcos, Senadora Pia Cayetano at Senador Raffy Tulfo.
Sinabi ni Estrada na ginawa niya ang survey para malaman ang posisyon ng mga kasamahan niya sa Mataas na Kapulungan tungkol sa divorce bill lalo’t aprubado na ito sa kamara.
Ipinaliwanag naman ng senador na tutol siya sa divorce bilang siya ay Katoliko at mas naniniwala siyang dapat mas gawing accessible at abot-kaya para sa mga ordinaryong Pilipino ang annulment.
Samantala, si Senador JV Ejercito naman, sinabing nasa proseso pa siya ng pag iisip mabuti tungkol sa usapin ng divorce.
Ayon kay Ejercito, sadyang mahirap ang isyung ito dahil bilang pinalaking Katoliko ay nauunawaan niya ang posisyon ng Simbahang Katolika tungkol sa sanctity ng kasal.
Pero sa kabilang banda ay batid rin niyang maraming mag-asawa ang nakukulong sa relasyon na wala nang pagmamahalan at hindi na maayos ang samahan at naniniwala rin siyang lahat ay dapat magkaroon ng pagkakataon para maging masaya. | ulat ni Nimfa Asuncion