Umakyat na sa ₱7-M ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar naapektuhan ng mga pag-ulang dulot ng bagyong Aghon.
Ayon sa DSWD, kabilang sa nahatiran na nito ng family food packs ang mga lalawigan sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol region, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Kaugnay nito, umakyat pa sa higit 43,000 pamilya o 155,766 na indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan.
Malaki naman na ang nabawas sa bilang ng mga pamilyang nananatili pa sa evacuation centers.
Sa ngayon, nasa 107 pamilya nalang o 417 na indibidwal ang pansamantalang nananatili sa evacuation centers.
Umakyat naman sa 755 ang naitala ng DSWD na nasirang mga tahanan habang 6,913 naman ang partially damaged.
Una nang sinabi ng DSWD na patuloy pa rin itong naka-alerto para sa pagbibigay ng iba pang kakailanganin sa mga typhoon-hit localities, partikular na ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dulot ng pananalasa ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa