Nag-inspeksyon ngayon umaga si Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson Atty. Romando Artes sa bubuksang Emergency Lay-by area sa EDSA Quezon Avenue Flyover para sa mga motorcycle rider.
Ito ang inilaan ng MMDA na maaaring gamitin ng mga rider na pansamantalang silungan kung may malakas na ulan.
Ayon kay MMDA Acting Chair Artes, tugon ito sa hiling nina 1-Rider Party-list Representatives Bonifacio Bosita at Rodge Gutierrez para sa kaligtasan ng mga rider lalo na ngayong idineklara na ang panahon ng tag-ulan.
Mas ligtas na opsyon aniya ito para maiwasan na rin ang kumpulan o siksikan ng mga motor sa ilalim ng tulay at footbridges na mas delikado para sa kanila.
Target ng MMDA na maglagay ng Emergency Lay-by hindi lang sa kahabaan ng EDSA kundi sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kasama ring nag-inspeksyon ng MMDA si Angkas Head of Public Affairs Atty. Jauro Castro na nangakong magdo-donate naman ng 10 motor/bicycle repair shop rito na lalagyan ng repair tools gaya ng compressor na libreng ipapagamit sa mga rider. | ulat ni Merry Ann Bastasa