Inalis na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang suspensyon ng operasyon sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa Luzon simula kahapon, May 30.
Ayon sa ERC, base sa kanilang patuloy na pagsusuri at sa impormasyong natanggap mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Independent Market Operator of the Philippines (IEMOP), naging sapat na ang suplay ng kuryente sa rehiyon sa loob ng 24 oras.
Ang pagbabalik operasyon ng WESM ay inaasahang magpapatatag ng presyo at suplay ng kuryente sa Luzon grid.
Matatandaang sinuspinde ng ERC ang operasyon ng WESM noong May 27 dahil sa sunod-sunod na pagsasailalim sa Red at Yellow Alert ng naturang grid. | ulat ni Diane Lear