Kumpiyansa ang National Food Authority (NFA) na malampasan ang target nitong mahigit 3 milyong sako ng palay para sa unang kalahati ng taon dahil sa pagtaas ng buying price ng palay.
Ayon kay NFA acting administrator Larry Lacson, umabot na sa 2.93 milyong sako ang nabili ng ahensya, katumbas ito ng 97% ng target nila para sa unang kalahati ng taon, at inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na linggo.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa desisyon ng NFA Council na itaas ang buying price ng palay, na nagresulta sa pagtaas ng buffer stock ng bigas ng bansa.
Sinimulan na rin ng NFA ang implementasyon ng tinatawag na “fast lane” para mas mabilis na mapagserbisyuhan ang mga magsasakang nagbebenta ng hindi hihigit sa 50 sako ng palay.
Samantala, tiniyak naman ni Secretary Laurel na patuloy na pinag-aaralan ng DA at iba pang ahensya ng gobyerno ang iba’t ibang paraan upang mapababa ang presyo ng bigas para sa mga mamimili. | ulat Diane Lear