Patuloy pang makakaranas ng mahina hanggang kawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa kanlurang bahagi ng Metro Manila at kalapit lalawigan.
Sa abiso ng Maynilad Water Services Inc., hindi pa natatapos ang maintenance activities na ginagawa sa kanilang treatment plants sa Muntinlupa City.
Paliwanag ng water company, nagkaroon ng malaking epekto sa kalidad ng raw water mula sa Laguna Lake ang pagsisimula ng tag-ulan matapos ang matagal na tag-tuyot dulot ng El Niño.
Kinakailangan ng adjustments sa treatment plants upang mapanatili ang acceptable water quality standards.
Inaabisuhan ang affected customers sa bahagi ng Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Bacoor at Imus na huwag munang inumin o gamiting panluto ang tubig mula sa gripo.
Ito’y upang masiguro ang kaligtasan ng mga customer sa loob ng transition period na ito.
Samantala, nagpakalat na mobile water tankers ang Maynilad upang maghatid ng potable water sa mga apektadong lugar bukod pa sa stationary water tanks sa ilang lugar na maaaring pagkunan ng malinis na tubig. | ulat ni Rey Ferrer