Personal na nagpaabot ng kaniyang pasasalamat si Ukraine President Volodymyr Zelenskyy kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng naging pakikilahok nito sa katatapos lang na defense summit sa Singapore.
Sa kanilang bilateral meeting, sinabi ni Zelenskyy na isang matibay na senyales at hakbang ang naging partisipasyon ng Pangulo sa okasyon tungo sa kapayapaan.
Sa ngayon ayon kay Zelenskyy ay kanilang tinatahak na ang mga hakbang patungo sa hinahangad na kapayapaan
Para naman kay Pangulong Marcos Jr. ay sinabi nitong isang malaking karangalan na magkita at magkausap sila ni President Zelenskyy hinggil sa mga isyung may kahalintulad na kinakaharap partikular na sa isyu ng pang-aakin sa teritoryo.
Ayon sa pangulo, batid niya ang krisis na pinagdadaanan ngayon ng Ukraine at patuloy aniyang gagawin ng Pilipinas ang lahat ng makakaya upang isulong ang kapayapaan, tapusin ang labanan, at makamit ang solusyon sa hinaharap. | ulat ni Alvin Baltazar