Inaasahan ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe, na aaksyon na ang Water Resources Management Office (WRMO) para tugunan ang water service interruption na nararanasan ng ilang tahanan at negosyo ngayong naglabas na ng executive order ang Malacañang.
Giit ni Poe, sa panahon ng tag-init, ang kawalan ng tubig na inumin, pampaligo o gamit sa opisina at negosyo ay malaking sakripisyo.
Taun-taon naman aniya ang tag-init, kaya dapat nagkaroon na ng mahusay na plano at implementasyon para masigurong hindi mauubusan ng tubig ang bawat gripo.
Umaasa ang senador na sa pamamagitan ng paglalagay ng WRMO sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay mabibigyan ng prayoridad ang problemang ito.
Sa bahagi ng Senado, isusulong aniya nila na maisabatas ang pagbuo ng isang hiwalay na Departament of Water para matutukan ang epektibong water resources management at matiyak ang sapat na suplay ng tubig. | ulat ni Nimfa Asuncion