Isiniwalat ni Senador Sherwin Gatchalian na lumalawak na ang koneksyon ng mga POGO sa Pilipinas, mula sa mga pulitiko, ahensya ng gobyerno, negosyante at hanggang sa mga local crime syndicates ay umaabot na aniya ang kanilang mga gamalay.
Ibinahagi ito ni Gatchalian matapos ang ginawang executive session ng Senate Committee on Women kahapon kasama ang intelligence agencies tungkol sa POGO operations sa bansa.
Sa ngayon ay hindi pa maidetalye ng senador ang impormasyong naibahagi sa executive session.
Pero aminado ang senador na nakakatakot na may koneksyon na ang mga POGO sa mga local criminal syndicates dahil ang maaaring ang mga pera mula sa mga dayuhang sindikato ay mapondohan na ang mga lokal na sindikato sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sang-ayon si Gatchalian na iakyat na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isyu sa POGO nang maideklara na itong national security threat.
Paliwanag ng mambabatas, ang Punong Ehekutibo ang chairperson ng NSC.
Natatakot rin aniya ang senador na dumating na sa punto na hindi na makokontrol ng gobyerno ang problemang dulot ng mga POGO.
“Iakyat na ito sa presidente, sa ating pangulo dahil ang chair[person] ng ating National Security Council ay ang ating pangulo at i-elevate na ito into a national security threat dahil nga lumalawak ang kanilang galamay. Magkaroon na ng resolution ang National Security Council na i-ban na ang POGO na ito because of national security issues.”
Sang-ayon naman aniya ang NSC at iba pang mga ahensya ng gobyerno maliban sa PAGCOR na maituturing nang national security threat ang mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion