Tinitingnan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na may koneksyon ang nadiskubreng “scam-hub” na sinakalay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga sa Zun Yuan Technologies Inc. na una nang sinalakay sa Bamban, Tarlac.
Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo matapos ireklamo ang Lucky South 99 dahil sa sinasabing pang-aabuso gaya ng pambubugbog, sexual abuse, at iba pang human trafficking activities.
Ayon kay Fajardo, may nakitang indikasyon ang mga awtoridad na magkaugnay ang dalawang sinalakay na establisimyento dahil sa iligal na aktibidad na ginagawa rito.
Magugunitang nasagip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nasa 157 na dayuhan, kabilang na ang Chinese, Vietnamese, Malaysian, at Korean nationals.
Nabatid na binawi na ng PAGCOR noong isang taon pa ang license to operate ng nasabing “scam-hub” sa Porac matapos itong i-raid noong 2022.
Una nang sinibak ang hepe ng Porac Municipal Police Station dahil sa kapabayaan kung bakit nakapag-operate pa rin ang naturang establisimyento kahit walang permit.
Mula kahapon, hindi na napasok ng mga awtoridad ang limang ektaryang compound matapos bawiin ng Korte sa Malolos ang inilabas na Search Warrant at kailangan pa ulit mag-apply ng mga awtoridad upang maisilbi sa paniniwalang may natira pang biktima sa loob nito. | ulat ni Jaymark Dagala