Iba’t ibang aktibidad, inilatag ng DMW sa pagdiriwang ng Migrant Worker’s Day ngayong araw

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naglatag ng iba’t ibang aktibidad ang Department of Migrant Workers (DMW) kasabay ng ika-29 na pagdiriwang ng Migrant Workers Day ngayong araw.

Ito’y ayon sa DMW bilang kanilang pagpupugay sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na itinuturing din nilang mga “Bagong Bayani” sa makabagong Pilipinas.

Sisimulan ang araw na ito ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng AKSYON FUND para sa mga OFW na nawalan ng trabaho bunsod ng iba’t ibang kadahilanan.

Pangungunahan ni Senate Committee on Migrant Workers Affairs Chair, Senador Raffy Tulfo ang pamamahagi ng tulong pinansyal kasama si DMW Secretary Hans Leo Cacdac.

Kasunod nito’y lalagda naman ng isang Memorandum of Understanding (MoU) ang DMW kasama ang Miss Universe Philippine Foundation (MUPH) upang isama sa mga adbokasiya nito ang mga usaping bumabalot sa mga OFW.

Mamayang hapon naman, ilulunsad ng DMW ang OFW Driver’s License Renewal Program katuwang ang Land Transportation Office (LTO).

Susundan naman ito ng paglalagda ng Memorandum of Understanding (MoU) sa pagitan ng DMW at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagtatatag ng OFW Desk sa lahat ng Lokal na Pamahalaan sa bansa.

Isasagawa ang mga naturang aktibidad sa punong tanggapan ng DMW sa Mandaluyong City at sasabayan ito ng buong araw na programa na inilaan para sa mga Migranteng Pilipino gayundin sa kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us