Binigyang diin ni Senador Joel Villanueva ang pangangailangan na makapagbigay ng agarang civil registration services sa mga OFW sa gitna ng mga report na karamihan sa kanila ay walang access sa kanilang mga record.
Kaugnay nito, inihain ni villanueva ang Senate Resolution 1019 para mabusisi ang isyu sa Senado.
Binahagi ng senador ang report mula sa mga OFW na nahihirapan na maitama ang kanilang mga civil registration records at ang iba ay sinabihan pang bumalik ng Pilipinas at pumunta sa opisina ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para maiproseso ang kanilang mga request.
Pinunto ng mambabatas na sa gabitong mga pagkakataon ay dapat naipapatupad ang nakasaad sa Republic Act No. 9048 (An Act Authorizing the City or Municipal Registrar or the Consul General to Correct a Clerical or Typographical Error in an Entry and/or Change of First Name in the Civil Register Without Need of a Judicial Order)
Sa ilalim ng batas ay mayroong administrative process para itama ang anumang clerical error, kung saan maaring ang mga civil registrar o consul general ang magsagawa ng pagtatama sa anumang clerical o typographical error, pagbabago ng first name o nickname, araw ng kapanganakan,kasarian o anumang maling pagkakasulat sa record ng isang OFW.
Giniit ni Villanueva na ang paglapit at pagpapadali ng serbisyo ng pamahalaan sa ating mga bagong bayani ay magsisilbi nating munting regalo para masuklian ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day ngayong araw, June 7. | ulat ni Nimfa Asuncion